Home NATIONWIDE 12 ‘wagi’ sa 2025 senatorial race, inilatag ng Tangere

12 ‘wagi’ sa 2025 senatorial race, inilatag ng Tangere

MANILA, Philippines- Inilatag ng Tangere survey na isinagawa mula Hunyo 11 hanggang 15 ang listahan ng 12 potensyal na kandidato na posibleng magwagi sa karera sa pagkasenador sa darating na 2025 midterm elections.

Si ACT-CIS Party-list Rep. Erwin T. Tulfo, frontrunner sa survey na may score na 57 percent, ang nanguna sa grupo ng mga potensyal na kandidatong pinili ng mga respondent para okupahin ang 12 senatorial seats na mababakante sa 2025.

Pumangalawa sa pinapaborang potensyal na kandidato sa pagkasenador ay si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte, may 50.83 porsyento, at ang kanyang dating aide at incumbent na si Senador Bong Go ay sumunod na may 47.08 porsyentong marka.

Si dating Senador Tito Sotto ang pang-apat na kandidato sa pagkasenador, may 43.75 porsiyento, at si incumbent Senator Pia Cayetano ay nasa ikalimang puwesto sa nakuhang 41.25 porsiyento.

Si TV at radio personality Ben Tulfo, kapatid ng nangungunang si Erwin ang umokupa sa ikaanim na puwesto na may 40.83 porsiyento, si Senador Lito Lapid ay nasa ikapitong puwesto, may 40.08 porsiyento, at si Presidential sister Senator Imee Marcos ay nasa ikawalong puwesto.

Lumapag sa ika-siyam na puwesto si boxing champ at dating senador , Manny Pacquiao na may 37.50 percent, kasunod ang natalong presidential aspirant at ngayo’y TV personality Francisco “Isko Moreno” Domagoso, na may 35.42 percent, sa ikasampung puwesto.

Si dating Senador Ping Lacson naman na may 35 porsiyento ay nasa ika-labingisa, at si Senador Francis “Tol” Tolentino, na may 34.17 porsiyento, ang kumumpleto sa tinatawag na ‘Magic 12’ para sa 2025 senatorial race. RNT