Home NATIONWIDE 120 nasawi sa HIV, AIDS sa Quezon province sa mga nakalipas na...

120 nasawi sa HIV, AIDS sa Quezon province sa mga nakalipas na taon

MANILA, Philippines – Nasa 120 katao ang nasawi sa Quezon province dahil sa human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS) mula 1987 hanggang Pebrero 2025.

Ito ang inihayag ng Quezon Provincial Health Office (QPHO) sa report nito na inilabas noong Miyerkules, Hulyo 2, na mula sa datos ng Department of Health (DOH) Center for Health Development – Regional Epidemiology and Surveillance Unit 4-A.

Nakita sa datos na mula 1987 hanggang Pebrero ngayong taon, nakapagtala ang Quezon ng kabuuang 1,636 HIV cases at 429 sa mga ito ang mula sa Lucena City.

Mula Enero hanggang Pebrero ngayong taon lamang, nagkaroon ng 58 bagong kaso ng HIV.

Ayon sa QPHO, ang pinakamataas na bilang ng mga kaso ay nananatili sa mga indibidwal edad 25 hanggang 34, sinundan ng edad 15 hanggang 24, kabilang ang adolescents at young adults.

Dagdag pa, mas marami umano ang lalaking apektado ng HIV kumpara sa mga babae.

Dahil dito ay patuloy ang paghimok ng QPHO sa publiko na maging maingat at gumamit ng proteksyon upang maiwasan ang pagkalat ng HIV.

Nanawagan din ito ng regular na HIV testing, na libre at confidential umano.

“In case of a positive result, do not be afraid, as there are facilities available that offer free treatment and care,” saad sa Facebook post ng QPHO. RNT/JGC