Home OPINION 120% OVERPRICING NG FUEL, NAKAI-STRESS

120% OVERPRICING NG FUEL, NAKAI-STRESS

127
0

SA gitna ng tumitinding tensyon sa pandaigdigang merkado dulot ng giyera sa Middle East, muling naramdaman ng mga Pilipino ang biglaang pagtaas ng presyo ng langis. Ayon sa pamahalaan, mayroon tayong sapat na imbentaryo—tinatayang dalawang buwan na suplay—na dapat sana’y magsilbing panangga laban sa agarang pagtaas ng fuel price. Pero sa kabila ng pagkakaroon ng stocks, ilang beses na tumaas ang presyo kamakailan hanggang umabot sa halos 120% ang overpricing nito sa kasalukuyan.

Sa ilalim ng Oil Deregulation Law, malaya ang mga oil companies na magtakda ng presyo batay sa galaw ng pandaigdigang merkado, partikular sa benchmark na Mean of Platts Singapore o MOPS. Pero kung may sapat tayong buffer stock, bakit tila agad-agad ang pagtaas ng presyo na para bang walang natitirang imbentaryo?

Kung tutuusin, ang mga naunang inangkat na langis—lalo na kung binili sa mas mababang presyo sa ilalim ng “Free on Board”—ay dapat magbigay ng “price cushion.” Ibig sabihin, hindi magiging agaran ang pagtaas ng presyo sa retail level. Pero hindi iyan ang nangyari kasi nagsabay-sabay kamakailan ang mga gasolinahan sa oil price increase at umabot na nga sa 120% ang paglobo nito. Lumalabas tuloy na hindi napakinabangan ng publiko ang mas murang naunang suplay o ang sinasabing imbentaryo.

Hindi tuloy natin masisisi ang ating mga kababayan na magtanong at mag-usisa. Lumalakas ngayon ang panawagan para sa masusing imbestigasyon at transparency na tinututukan sa ngayon ng Senado. Ano na nga ba ang nangyari sa buffer stock? May pag-asa pa kayang masolusyunan ang mga susunod pang overpricing?

Totoo namang isa sa mga papel ng Department of Energy ay ang mag-monitor ng presyo ng fuel pero siyempre kailangan din silang umaksyon kung may nakikitang kakaiba sa figure ng bawat pagtaas. Gayundin ang pagpapanagot sa kompanyang nakikitaan ng anomalya sa kanilang pricing mechanisms. Mahirap na kasing malusutan dahil ang papasan at madudurog sa mga pagtaas na ito ay hindi naman sila, kundi ang mga mamamayan.

Hindi natin hangaring manggulo sa usaping ito. Personal po nating dinaranas ang impact at hirap kaya po tayo nagtatanong at tanging DOE at mga eksperto lamang ang makapagbibigay ng malinaw at konkretong sagot. Kailangang maintindihan ng lahat na ang bawat pagtaas sa presyo ng fuel oil ay may katumbas na bigat sa kabuhayan ng bawat Pilipino.

Bukas po ang ating kolum para marinig ang panig ng DOE at mga eksperto, mag-email po lamang sa [email protected].

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here