COTABATO CITY- PATAY ang isang basketball player matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek kagabi sa bayan ng M’lang.
Nasawi habang ginagamot sa ospital ang biktimang si Ken Fred “Kentoy” Segura, 26, dating shooting guard ng Arellano University, MPBL player, at tubong Digos, Davao del Sur.
Batay sa report ng M’lang Municipal Police Station, bandang 7:07 PM Enero 29, 2025 naganap ang krimen sa national highway na sakop ng Barangay Pulang Lupa, ng nabanggit na bayan.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sakay ang biktima ng kanyang kotse sakay ang pamangkin at habang binabaybay ang nasabing kalsada bigla na lamang silang hinarang ng suspek na lulan din ng isang kotse.
Dito, pinagbabaril ang biktima na tinamaan sa tagiliran bahagi ng katawan saka mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.
Isinugod naman sa ospital ang biktima subalit makalipas ang ilang oras ay nalagutan din ito ng hininga.
Sa ngayon nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa suspek para sa agaran pagdakip./Mary Anne Sapico