ISTANBUL, Turkey — Siyam ang nasawi at 13 ang nasugatan matapos magpaputok ng baril ang isang 13-anyos na estudyante sa isang paaralan sa lalawigan ng Kahramanmaras nitong Miyerkules, ayon sa mga awtoridad. Ito na ang ikalawang insidente ng pamamaril sa paaralan sa bansa sa loob lamang ng dalawang araw.
“We regret to report nine deaths (…) and 13 wounded. Six of them are currently in intensive care, three of whom are in critical condition,” ani Interior Minister Mustafa Ciftci.
Ayon kay Kahramanmaras governor Mukerrem Unluer, nagdala umano ang suspek—isang eighth-grade student—ng mga baril na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng kanyang ama.
“A student came to school with guns that we believe belonged to his father in his backpack. He entered two classrooms and opened fire randomly, causing injuries and deaths,” dagdag pa ni Unluer.
Nabatid na may dalang limang baril at pitong magazine ang suspek, na nasawi rin sa insidente.
“He shot himself. It is not yet clear whether this was suicide or happened amid the chaos,” giit ni Unluer.
Inaresto naman ng pulisya ang ama ng suspek na kinilalang si Ugur Mersinli bilang bahagi ng imbestigasyon.
Makikita sa mga video mula sa lugar ang mga estudyanteng tumatalon mula sa bintana upang makatakas sa putukan, habang ang iba ay nagtakbuhan palabas ng paaralan. Pinalakas na ng mga awtoridad ang seguridad sa lugar habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga piskal.
Nauna rito, isang dating estudyante ang namaril sa Sanliurfa province kung saan 16 katao ang nasugatan bago nito kitilin ang sariling buhay.
Iginiit ni Pangulong Recep Tayyip Erdogan na mananagot ang mga mapapatunayang nagkulang, at sinabing “will certainly be held accountable.”
Nanawagan naman si opposition leader Ozgur Ozel ng mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan, babala na ang mga insidente ay indikasyon ng “growing and deepening security vulnerability.” RNT