MANILA, Philippines — Sinimulan na ng Department of Health (DOH) ang “PuroKalusugan” program na naglalayong maghatid ng serbisyong medikal para sa mga tsuper, magsasaka, at barangay health workers.
Isinagawa ang programa sa tanggapan ng DOH sa Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila, kung saan target mabigyan ng serbisyo ang hindi bababa sa 250 indibidwal mula sa nasabing sektor.
Kabilang sa mga nakinabang sa programa ang mga tsuper ng jeepney na miyembro ng Parang Masda, Altodap, at Manibela, pati na rin ang mga tricycle driver. Nagsailalim din sa serbisyo ang mga magsasaka mula Nueva Vizcaya at mga barangay health workers mula sa Maynila.
Kabilang sa mga serbisyong inialok ng DOH ang libreng check-up, pagpaparehistro sa PhilHealth, dental services, at TB at HIV screening.
Bukod dito, binigyan din ang mga benepisyaryo ng isang sako ng bigas, groceries, at mga gulay bilang bahagi ng programang pangkalusugan ng ahensya. Jocelyn Tabangcura-Domenden