Home HOME BANNER STORY 13 bahay naabo sa lalaking aligaga sa pagkaaresto ni Quiboloy

13 bahay naabo sa lalaking aligaga sa pagkaaresto ni Quiboloy

CEBU CITY – Dahil sa balita tungkol sa pagkakaaresto kay Pastor Apollo Quiboloy noong Linggo, Setyembre 8, isang lalaki sa bayan ng Consolacion, Cebu ang nagmamadaling itinapon ang nakasinding egg tray na alternatibong ginagamit pantaboy ng lamok, noong Lunes ng gabi, Setyembre 9.

Hindi inaasahan ni Dondon Furog na mauuwi sa kapahamakan ang kanyang kasabikan na mabalitaan ang pagkahuli kay Quiboloy sa telebisyon dahil nagresulta sa malaking sunog ang nakasinding egg tray sa Sitio Bangkerohan, Barangay Tayud.

Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Martes ng umaga, Setyembre 10, sinabi ni Furog na nagsindi siya ng egg tray bilang alternatibo para sa mosquito coil.

Ang mga egg tray ay karaniwang ginagamit upang bugawin palayo ang mga lamok dahil ang umaapoy na amoy na nabubuo nito ay nagpapalayo sa mga insekto.

Sinabi ni Furog na inilagay niya ang nakasinding egg tray sa kanilang comfort room.

“Kinuha ko yung egg tray tapos itinapon ko sa ilalim ng bahay namin bago ako sumugod sa bahay ng kapitbahay para manood ng balita tungkol kay Quiboloy,” ani Furog sa interbyu ng mga lokal na media.

Makalipas ang ilang sandali, nagkaroon ng kaguluhan sa kapitbahayan nang makitang nasusunog ang bahay ni Furog.

Nagsimula ang sunog alas-8:11 ng gabi. at naapula ito ng 8:27 p.m.

Sinabi ng mga imbestigador na 13 bahay ang natupok ng apoy. Nasa P250,000 ang halaga ng pinsala sa ari-arian.

Sinabi ni Furog na wala silang nailigtas na mga gamit dahil mabilis na kumalat ang apoy.

Wala naman nasaktan sa insidente.

Umapela naman ng tulong si Barangay Tayud Kapitan Fe Cuyos para sa mga nasunugan. RNT