MANILA, Philippines – Nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang 13 luxury car ng mga kontrobersyal na kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya at target itong i-auction na aabot sa ₱220 milyon.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, naglabas ng Warrant of Seizure and Detention matapos matukoy ang mga paglabag sa customs laws. Pitong sasakyan ang walang import entry o certificate of payment, habang anim naman ang may kuwestiyonableng dokumento.
Nabatid sa BOC na ang mga nasabing luxury vehicles ay dinala sa kanilang kustodiya bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na panagutin ang mga lumalabag at pangalagaan ang mga kita ng gobyerno.
Ayon sa BOC, ang mga sasakyang ito ay kabilang sa mga paksa ng patuloy na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y maanomalyang mga proyekto sa pagkontrol sa baha.
Matatandaan na noong Setyembre, nagsagawa ng search operation ang BOC sa lugar ng St. Gerrard Construction General Contractor & Development Corp. sa Pasig City, na pag-aari ng pamilya Discaya, na nagresulta sa pagkakadiskubre ng 30 sasakyan na nasa ilalim ng kustodiya ng BOC.
Binigyan ng 15 araw ang pamilya Discaya para magpakita ng tamang papeles; kung hindi, mapupunta sa gobyerno ang mga sasakyan at isasailalim sa auction. Kabilang sa nakumpiska ang Rolls-Royce Cullinan, Bentley Bentayga, Mercedes-Benz SUVs, Lincoln Navigators, at Cadillac Escalades. Jay Reyes