MANILA, Philippines- Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang 13 Vietnamese nationals na sangkot umano sa ilegal na pagpapatakbo ng health spas at clinics in sa mga lungsod ng Makati, Parañaque, at Pasay.
Inihayag ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na walang naipakitang dokumentasyon ang mga Vietnamese nang arestuhin sila, dahilan upang ituring silang undocumented aliens.
Naghain ng kaso ang BI laban sa 13 sa pagnenegosyo nang walang kaukulang permit o visa na labag sa Philippine Immigration Act of 1940 at pagiging undocumented aliens.
Isa sa mga subject ang mayroong working visa, subalit napag-alamang nagtatrabaho sa ibang kompanya bukod pa sa nakasaad sa kanyang visa, na labag sa kondisyon ng kanyang pananatili sa bansa.
Hinikayat ni Tansingco ang local governments, mga barangay at community members na isumbong ang illegal aliens sa kani-kanilang mga lugar. Aniya, mananatili ang 13 Vietnamese sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig, hanggang lumabas ang resolusyon ng kanilang kaso. RNT/SA