Aabot sa 139,000 tricycle driver sa Metro Manila ang unang makatatanggap ng P5,000 cash assistance mula sa pamahalaan upang matulungan ang mga transport worker na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, ipamamahagi ang tulong-pinansyal sa 39 payout centers sa Metro Manila simula Marso 17.
“Sa 39 payout sites, doon magpupunta ang mga tricycle drivers. Buong araw mag-o-operate for 3 days. LGUs na ang mag-a-announce kung anong oras sila pupunta,” ani Gatchalian sa isang panayam.
Magkakaroon din ng joint help desks sa mga payout site upang tulungan ang mga driver.
Kinakailangan ng mga benepisyaryo na magdala ng driver’s license at photocopy nito upang makuha ang tulong.
Ayon kay Gatchalian, unang makatatanggap ng ayuda ang mga tricycle driver dahil handa na ang listahan ng mga ito mula sa local government units. Susunod naman ang mga jeepney at bus driver, TNVS driver, at iba pang PUV driver.
Dagdag pa niya, ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang maglalabas ng listahan ng mga jeepney driver na kwalipikadong tumanggap ng ayuda.
Ipagkakaloob ang cash assistance sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nauna nang iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na agad ipalabas ang fuel subsidy para sa mga driver ng pampublikong transportasyon na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis. Santi Celario