Home METRO Pagbaril, pagsunog sa 2 biktima sa N. Ecija, sapul ng CCTV

Pagbaril, pagsunog sa 2 biktima sa N. Ecija, sapul ng CCTV

199
0

MANILA, Philippines – Kinumpirma ng pulisya na nakuhanan ng CCTV ang pamamaril at pagsunog sa dalawang biktima na natagpuang patay sa loob ng isang sasakyang sinunog sa Peñaranda, Nueva Ecija.

Natagpuan nitong Lunes sa isang bakanteng lote sa Barangay Sinasajanang ang sunog na bangkay ng isang lalaki at babae, na kapwa may tama ng bala sa batok.

Sa kumakalat na CCTV footage, makikita ang isang sasakyan na naka-park sa gilid ng kalsada nang marinig ang mga putok ng baril. Nakita rin ang isang lalaking naka-itim na jacket na naglalakad sa tabi ng sasakyan.

Matapos dumaan ang isang motorsiklo, tila may inayos ang lalaki sa likuran ng sasakyan bago lumayo at may sumalubong sa kanyang isa pang tao.

Kalaunan ay dumating ang isang tricycle na sakay ang lalaking naka-itim na jacket. Kumuha siya ng galon mula sa tricycle at lumapit sa sasakyan, binuksan ang pinto sa bahagi ng driver, at makalipas ang ilang sandali ay isinara ito at itinapon ang galon.

Ilang sandali pa ay sumiklab ang apoy sa sasakyan habang tumakbo ang lalaki at sumakay muli sa tricycle na agad umalis sa lugar.

“May lumabas po sa isang social media page na may kuha po ng crime scene,” ayon kay PCapt. Vincent Taylor, officer-in-charge ng Peñaranda Municipal Police Station.

Ayon sa pulisya, tatlong suspek ang kanilang tinitingnan sa krimen.

Dalawa sa mga ito—isang lalaki at isang babae—ang umano’y katransaksyon ng mga biktima at kasama nila sa loob ng sasakyan. Sila rin ang nahagip sa huling litratong ipinadala ng babaeng biktima sa kanyang kaanak bago ang insidente.

Ang tricycle driver naman ang ikatlong suspek.

“May pinu-pursue po tayong dalawang tao na nahagip doon sa CCTV,” ani Taylor.

Patuloy ang hot pursuit operation ng mga awtoridad upang mahuli ang mga suspek.

Napag-alaman na negosyante ang babaeng biktima habang rescue officer naman ang lalaking kasama nitong nasawi.

Ayon sa kaanak ng rescue officer, pinakiusapan lamang siya ng babaeng biktima na magmaneho at samahan siya sa kanyang lakad.

Samantala, sinabi ng kaanak ng negosyante na nagpaalam ang biktima na ibebenta ang isang apartment building na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P18 milyon.

Isa sa mga tinitingnang motibo ng pulisya sa krimen ay pera, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here