SA wakas, natapos na rin ang final judging at deliberation para sa 13th Gawad Kaligtasan at Kalusugan na isinagawa ng Occupational Safety and Health Center o OSHC katuwang ang iba pang miyembro ng national board of judges na ginanap sa Seda Vertis North Hotel sa Quezon City kamakailan.
Itinakda na ang paghahayag at pagpaparangal ng lupon para sa national winners sa Nobyembre 22, 2024 sa Radisson Blu Hotel, Cebu City.
Napakalaking bagay para sa mananalong grupo at indibidwal mula sa hanay ng private, public, micro enterprise at informal sectors ang ganitong uri ng pagkilala at prestihiyosong parangal mula sa Department of Labor and Employment.
Hindi madali para sa mga kalahok ang bawat prosesong pinagdaraanan para masungkit ang pagiging OSH champion. Pinag-uukulan ito ng maraming oras at panahon para masiguro ang tagumpay sa pagpapatupad ng OSH program and policies.
Papaano nga ba ito nakakamit? Nararapat lamang na aktwal na makikita, pisikal na gumagana, epektibo at dokumentado ang angkop at mahusay na mga programa. Kailangan ang mga ito para mapagtagumpayan ang pasadong OSH performance. Siyempre, yung may pinakamataas na score mula sa isinagawang inspection ng OSHC, DOLE at hatol ng mga hurado ang magwawagi.
Layunin ng GKK na kilalanin ang “best of the best” sa mga promosyon, pagbabago, inisyatibo at patuloy na pagpapaunlad ng OSH culture sa lahat ng lugar pagawaan sa ating bansa. Gayundin ang panghihikayat na ipagpatuloy ang epektibong implementasyon ng OSH Law at best practices para maiwasan ang anomang aksidente, pagkakasakit at masiguro ang welfare at iba pang proteksiyon ng bawat manggagawa upang mas lalong maiangat ang kalidad at produksyon sa labor sector.
Suportahan natin ang gaganaping GKK awarding at OSHC na kasalukuyang nagdiriwang ng kanilang ika-37th Anniversary sa pamumuno ni Executive Director Engr. Jose Maria “Jomar” Batino katuwang ang mga kasamang opisyal at staff.
Happy Anniversary po, Sir Jomar at sa OSHC. Mabuhay!!!