MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Korte Suprema ang pagpapalaya sa isang bilanggo matapos niyang makulong nang higit pa sa maximum imposable penalty.
Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Mario V. Lopez, pinagtibay ng Second Division ng Korte ang conviction sa kasong qualified theft ni Jovelyn Antonio (Jovelyn) pero ipinag-utos din nito ang kanyang agarang paglaya mula sa pagkakakulong dahil nakumpleto na niya ang kanyang sentensiya.
Taong 2011 nang mahatulan si Jovelyn ng reclusion perpetua o ng halos 40 taong pagkabilanggo ng Regional Trial Court at nakulong din siya sa Correctional Institution for Women dahil sa pagnanakaw ng salapi mula sa kanyang employer na GQ Pawnshop.
Bilang sekretarya ng GQ Pawnshop, responsibilidad ni Jovelyn na siguruhing hindi peke ang mga nakasanlang gamit. Napatunayang gumamit siya ng mga kasabwat para magsanla ng mga pekeng gamit na umabot sa halagang P585,250.
Pero binabaan ng Korte Suprema ang sentensiya ni Jovelyn. Base sa komputasyon ng Korte, dapat hindi lalagpas ng sampung taon at walong buwan ang kanyang pagkakabilanggo. Nakulong si Jovelyn nang halos labindalawang taon.
Sa ilalim ng Article 89, paragraph 2 ng Revised Penal Code, ang criminal liability ay na-iextinguish pagnabuo na ang sentensiya.
Iginiit ng Korte Suprema na malupit at hindi makatao ang pagkabilanggo na lagpas sa maximum imposable penalty at niyuyurakan din nito ang dignidad ng mga preso.
Paliwanag ng Korte, ang kapangyarihan ng mga korte na magpakulong ay may kaakibat na tungkulin din na agarang magpalaya ng mga bilanggo kung nakulong na sila sa panahon na kaparehas o mas mahaba sa maximum imposable penalty. Ito ay naaayon sa mga prinsipyo sa ilalim ng United Nations Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners o ang Nelson Mandela Rules. Teresa Tavares