MANILA, Philippines – Patay ang isang binatilyo sa Antipolo City matapos umanong makipagsuntukan sa mga kapwa niya binatilyo sa Sitio Phase 1 Otso, Bonica Road sa Brgy. San Isidro bandang 6 p.m. nitong Sabado.
Kinilala ang biktima na isang 14 anyos, Grade 7 student at residente ng Sitio Maligaya, Brgy. San Isidro, Antipolo City.
Mismong mga suspek na pawang 16 at 17 anyos ang dumulog sa Brgy. San Isidro para ipagbigay-alam ang kinasangkutang insidente.
Base sa pulisya, ang biktima umano ang naghamon ng away sa isa sa mga suspek naglalakad umano sa lugar.
“‘Yung suspect natin ay napilitang makipag-away na kasi nga pinipilit siya nung biktima natin na hamunin talaga,” ani Alnor de Vera Tagara, PCP1 commander ng Antipolo City Police Station.
“Naibabawan itong biktima ng nasabing suspect natin at kung saan, nahawakan niya ‘yung ulo at yun na, naipag-untugan niya sa semento, kung saan ay nawalan ng malay ang nasabing biktima,” ani Tagara.
“Umamin naman sila na talaga sila ‘yung gumawa. Ngayon, hindi naman nila inaasahan na ‘yung bata ay mamamatay. Ang inexpect lang nila, nabugbog lang nila,” ayon naman kay Marvin Corpuz, chief tanod ng Brgy. San Isidro.
Ayon naman sa pulisya, nang maaresto ang mga suspek ay binantaan pa nila na babalikan ang mga nakasaksi sa suntukan.
Sa kabilang banda, itinaggi ng kaanak ng biktima na siya ang naghamon ng away base na rin umano sa mga saksi. RNT