“Ang Senado ang pangunahing institusyon na dapat magkustodiya kay Alice Guo.”
Ito ang iginiit ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino sa Senate inquiry sa human trafficking at illegal POGO operations na nauugnay kay Guo noong siya ay nagsisilbing alkalde ng Bamban, Tarlac.
Sa kanyang interpellation sa marathon inquiry, nanindigan si Tolentino na ang tanging valid arrest warrant para kay Guo ay ang inilabas ng Senado ng Pilipinas.
“As we speak.. isa na lang po ang natitirang warrant of arrest na valid – the warrant of arrest coming from the Senate,” sabi ni Tolentino sa inquiry na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros.
Upang idiin ang kanyang punto, tinanong ni Tolentino na isang abogado at propesor ng batas, si Undersecretary Nicholas Felix Ty ng Department of Justice (DOJ) sa usapin ng hurisdiksyon ng korte sa mga pampublikong opisyal na kinasuhan ng mga criminal offense sa ilalim ng Republic Act (RA) 10660.
Tinanong ni Tolentino ang DOJ undersecretary kung sa tingin niya ay may tamang hurisdiksyon ang Branch 109 ng Regional Trial Court (RTC) sa Capas, Tarlac nang maglabas ito ng warrant of arrest laban kay Guo noong Setyembre 5.
Binanggit ng senador na sa ilalim ng RA 10660, ang mga pampublikong opisyal ay lilitisin sa isang hudisyal na rehiyon “maliban sa” kung saan ang opisyal ay humahawak ng katungkulan.”
Ipinunto ni Tolentino na dahil si Guo ay alkalde ng Bamban nang gawin umano niya ang mga paglabag na inaakusa laban sa kanya, ang Branch 109 ng RTC sa Capas, kung saan isinampa ng mga tagausig ng gobyerno ang kaso, ay walang hurisdiksyon sa na-dismiss na alkalde sa ilalim ng RA 10660.
“Ang tanong ko lang, tama ba na sa Capas fi-nile?” tanong ni Tolentino kay Ty.
Sinagot ito ng Justice undersecretary ng “Your honor, on paper mukhang may konting salungat, may konting salungat sa batas.”
Muling nagtanong si Tolentino ng “Kung halimbawa po mali po yung court na napagfile-an natin, tama po ba ‘yung court ay wala ring jurisdiction na mag- issue ng warrant of arrest?”
“Walang bisa po yun, your honor,” tugon ng Justice undersecretary.
“Invalid yung warrant of arrest. Diyos ko, invalid ‘yung warrant of arrest! So pag titingnan po natin, as we speak, 2:20 pm, iisa na lang po ang natitirang warrant of arrest na valid – the warrant of arrest coming from the Senate of the Philippines,” sabi ng senador, habang binabanggit din ang parehong warrant na ginamit ng mga awtoridad para arestuhin si Guo sa Indonesia.
Pagkatapos ay binanggit ng senador ang isang circular na inilabas ng Office of the Court Administrator na nagsasaad na lahat ng kaso na may kinalaman sa RA 10660 ay dapat isampa sa pinakamalapit na RTC ng susunod na judicial region.
Sa circular na ito, ipinunto niya na ang nararapat na korte na magsampa ng kaso ay ang RTC sa Urdaneta, Pangasinan. Ngunit dahil isa pang alkalde mula sa lalawigan ang nadadawit sa mga paglabag, iminungkahi ni Tolentino na ang iba pang posibleng venue ay ang RTC sa Bayombong, Nueva Vizcaya, o ang RTC sa Valenzuela City.
“So pag mali yung court, venue is jurisdictional, that was your statement a while ago. Paano po ba ito, quashable? Na-dismiss ang mosyon? Ano po ang pwedeng gawin?” tanong niya ulit kay Ty.
“Maaari pong maging option ‘yun ng akusado, your honor. But again, hintayin natin ang Ombudsman baka may paliwanag sila kung bakit doon nila sinalang,” sagot ni Ty.
Matapos ilatag ang kanyang punto, nangatuwiran si Tolentino na ang kasalukuyang kustodiya kay Guo ay nakabatay sa isang “maling hurisdiksyon na aplikasyon ng RA 10660” at pagkatapos ay ginawa ang kanyang mosyon.
“With that Madam Chair, I reiterate my previous motion that the Senate take custody of Ms. Alice Guo, and that she be detained in the Senate premises,” pagdidiin ng majority leader. RNT