Home NATIONWIDE 1,400 slots sa bagong parking lot, tiniyak ni Escudero sa empleyado

1,400 slots sa bagong parking lot, tiniyak ni Escudero sa empleyado

MANILA, Philippines – Gagagawa ng pro-active na hakbang si Senate President Francis “Chiz” Escudero upang lutasin ang problema sa parking at iba pang isyung kinakaharap ng kawani ng Senado, gayundin ang mga bumisita sa kanilang kasalukuyang lokasyon, habang nakabinbin ang paglipat sa New Senate Building sa Taguig City.

Sa flag-raising ceremony nitong Lunes, binigyang-diin ni Escudero ang kahalagahan ng pagtitiyak ng sapat na parking facility na matagal nang problema sa lokasyon ng Senado sa GSIS building sa Pasay City.

Para mapagaan ang problema ito, idinitalye ni Escudero ang ginagawang habang para maisaayos ang parking spaces sa GSIS building, na magsisilbi bilang isang modelo sa hinaharap ng plano sa New Senate Building.

“Dito, anong ginagawa natin? Sinisikap nating maayos ang parking ng empleyado’t bisita ng Senado para sa mas maayos na kapaligiran. Kinuha na natin, hiningi natin, at hiniram natin ang lupa ng DPWH sa gawing kaliwa ko para makapagbigay ng humigit kumulang 300 na espasyo para sa parking,” pahayag niya.

Maliban sa paggamit ng lote ng Department of Public Works and Highways, sinabi ni Escudero na patuloy ang negosasyon sa Social Security System para magamit ang bahagi ng lote bilang parking space sa likod ng GSIS building.

“Sa kabuuan, kaya nating makapagbigay ng humigi’t kumulang 1,400 slot para sa mga nagmo-motor at may sasakyan,” sambit ni Escudero.

“Kaayusan kaugnay sa simpleng paniniwala at prinsipyo ko na maayos dapat ang lugar na pinagtatrabahuan, kapag ka malinis at masinop madalas o palagi magiging malinis, masinop at maayos din ang pagtrato natin sa ating kapaligiran na maaapektuhan din ang ating trabaho,” paliwanag niya.

Sa mga nagdaang linggo, inikot ni Escudero ang bawat tanggapan sa kasalukuyang gusali ng Senado para mas maitindihan ang pangangailangan at alalahanin ng halos 2,000 opisyal at kawani ng institusyon.

Sa kanyang talumpati sa flag raising ceremony, idinitalye din ni Escudero ang nag-udyok sa kanyang pagbisita sa bawat tanggapan ng Senado at binigyang-diin ang kahalagahan na pakinggan ang concern o alalahanin sa bibig mismo ng mga kawani, gayundin ang kanilang ninanais at mga pangangailangan, na aniya’y napakahalaga para sa maayos na serbisyo ng Senado sa bansa.

“Sa aking pakiramdam at pakiwari, trabaho kong alamin ang bawat opisina gayundin ang kondisyon ng bawat opisyal at empleyado upang marinig at mapakinggan din ang inyong concern, ang inyong ninanais, ang inyong mithiin, pangarap at pangangailangan kaugnay ng trabahong marapat at dapat nating gampanan sa ating paninilbihan sa bayan at sa sambayanan,” diin ni Escudero.

Ang mga inisyatibo ni Escudero ay pagpapakita ng kanyang ‘hands-on leadership style’ at ng kanyang dedikasyon para masigurong ang operasyon ng Senado ay nakahanay sa pangangailangan at inaasahan ng kanyang mga staff, at sa huli’y mapahusay ang abilidad ng institusyon na epektibong mapagsilbihan ang publiko. Ernie Reyes