SUBIC BAY FREEPORT ZONE- Umabot na sa labinlimang (15) overstaying na 40 footer Reefer Container Van na naglalaman ng mga nabubulok na agricultural products, gaya ng Karne, sibuyas at iba pang uri ng mga gulay mula sa nasabing pantalan ang matagumpay ng naitapon sa pamamagitan ng isinagawang proper condemnation at waste disposal nito sa isang waste facility sa Bulacan at Pampanga.
Ito’y matapos ipag-utos ni Bureau of Customs (BoC) Port of Subic District Collector Atty Geniefelle P.Lagmay mula sa direktiba ni Customs Commissioner Ariel Nepumoceno bilang tugon sa reklamo hinggil sa umano’y masamang amoy na nagmumula sa mga abandonadong container van karamihan ay naglalaman ng mga nabubulok na agricultural products na naka-imbak sa Container Terminal sa naturang pantalan.
Nabatid sa ulat na ang labinlimang (15) naitapon ay bahagi ng 118 abandoned reefer containers na pinagmulan umano mabahong amoy.
Sa ulat, mabusising ipinatupad ng mga awtoridad ang condemnation process bago isinagawa ang proper disposal sa isang accredited at awtorisadong waste facility area.
Pinangunahan ni Customs Subic Auction Division Chief Ronald Pinggoy Arzadon ang pagpapatupad ng proper waste disposal ng mga nabanggit na abandoned containers.
Kabilang din sa mga nagpatupad ng order of proper disposal ang mga representative mula sa Department of Agriculture (DA) , Bureau of Animal Industry (BAI) at Bureau of Plant Industry- Agriculture Inspectorate Enforcement.
Magpapatuloy ang isasagawang Condemnation at proper waste disposal sa mga nalalabing abandonadong container sa naturang pantalan. ROEL TARAYAO