Home NATIONWIDE 15 illegal aliens napigil sa Tawi-tawi

15 illegal aliens napigil sa Tawi-tawi

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) na nasa 15 undocumented foreign national ang naaresto sa Mindanao makaraang pigilin ang mga ito ng mga awtoridad sa Tawi-tawi nitong Setyembre 1.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, inaresto ang nasa walong Chinese at pitong Malaysian na napag-alamang pumasok sa teritoryo ng Pilipinas sakay ng dalawang speedboat.

Nabatid sa BI na ang 15 dayuhan ay naharang ng magkasanib na pwersa ng Maritime Industry Authority (MARINA), Philippine Navy (PN), at Philippine Army (PA) sa kanilang pagsasagawa ng maritime patrol sa mga border areas.

“Early morning today, we received information from the patrolling agencies that those arrested have been transported to Bongao for processing,” ani Tansingco.

Kinumpirma ng inisyal na pagbeberipika sa pamamagitan ng sentralisadong database ng BI na ang mga naharang na indibidwal ay mga ilegal na pumasok, dahil walang nakitang tala ng kanilang pagpasok.

Sinabi ni Tansingco na inihahanda na nila ang mga kasong deportasyon na isasampa laban sa mga naarestong dayuhan na pinaniniwalaan nilang nagtangkang pumasok sa bansa para magtrabaho ng ilegal.

Ayon kay Tansingco, ang pag-aresto ay resulta ng aktibong pagpapatrulya ng mga maritime agencies na nangangalaga sa mga hangganan ng bansa. Mahigpit na nakikipagtulungan ang BI sa mga ahensyang ito upang isulong ang legal na aksyon laban sa mga iligal na pumasok.

Ang lahat ng mga inarestong dayuhan ay haharap sa deportation charges at sa blacklisting upang hindi na sila muling makabalik ng bansa. Jay Reyes