Home METRO 15 pasahero ng bus nasagip sa Davao landslide

15 pasahero ng bus nasagip sa Davao landslide

MANILA, Philippines- Nasagip ang 15 pasahero ng dalawang bus na natabunan ng lupa sa landslide sa Davao de Oro nitong Martes, subalit pinangangambahang natabunan ang mga residente sa lugar, ayon sa mga awtoridad.

Sakay ng dalawang bus sa Maco, Davao de Oro nitong Martes ang halos 30 indibidwal, ayon sa isang opisyal nitong Miyerkules.

“As far as the initial record is concerned, ‘yung dalawang bus, iyong isa naman is nasa mga 18 passengers, iyong isa naman nasa mga 12 passengers,” pahayag ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) executive assistant on information and communications Edward Macapili.

Sa kasalukuyam, 15 indibidwal na ang nasagip mula sa landslide kabilang ang dalawang nasa kritikal na kalagayan, ayon kay Macapili.

“Kagabi, may 14 survivors doon sa bus and one is rescued from the referential site na-rescue din so more or less there are about 15 rescued,” aniya.

Nilinaw ng opisyal na dalawnag bus lamang ang nahagip ng landslide dahil nakaalis sa lugar ang ikatlong bus bago ang insidente.

Malapit ang lugar sa mining site kung saan nagtatrabaho ang mga empleyado sa tatlong shifts sa loob ng 24-hour operation nito, ayon kay Macapili. Pauwi na ang ilang manggagawa nang maganap ang insidente.

Inihayag naman ng Armed Forces of the Philippines’ Eastern Mindanao Command (EastMinCom) na 45 sa 86 empleyado na na-trap sa landslide ang nasaklolohan na.

“Out of the 86 employees initially reported trapped, 45 have been successfully rescued, with 3 individuals in critical condition requiring urgent air evacuation. Meanwhile, 42 individuals remain in an evacuation area, currently inaccessible by vehicle,” ani EastMinCom spokesperson Colonel Rosa Ma. Cristina Rosete-Manuel.

“Efforts continue to locate and rescue the remaining 41 individuals, as declared by Apex Mines,” dagdag niya.

Sinabi ni Macapili na hamon sa operasyon ng rescuers ang malawakang landslide, na nakaapekto sa garahe ng isang bus company, barangay hall, at residential areas.

Dahil dito, sinabi ni Macapili na pinangangambahang mas maraming indibidwal ang nabaon sa landslide bukod sa pasahero ng dalawang apektadong bus na inisyal na iniulat.

“Marami po kasing presumed na natabunan,” wika ni Macapili.

“Hindi pa po na-identify (kung ilang bahay ang natabunan) dahil sa laki nga ng bukid na bumagsak. Harap lang ng talaga ng barangay hall, maraming bahay doon,” dagdag niya.

Ayon sa opisyal, walang senyales ng posibleng pagguho ng lupa bago maganap ang insidente, dahil halos isang linggong mainit ang panahon sa lugar.

Para sa kanya, posibleng dulot ang landslide ng “saturation” ng bundok mula sa mga nakaraang pag-ulan sa lugar dahil sa shear line at trough ng isang low pressure area.

Nang tanungin kung papayagang bumalik ang mga residente sa lugar, sinabi ni Macapili na wala pang rekomendasyon ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) dahil kauulat pa lamang ng landslides sa lugar.

Nagpatupad naman ang Davao de Oro government ng forced evacuation sa mga sumusunod na barangay sa Maco:

  • Masara

  • Mainit

  • Tagbaros

  • Elizalde

  • Panibasan. RNT/SA

Previous articleCALOOCAN KUNSINTIDOR SA PROSTITUSYON?
Next articleCPD: Bilang ng nanganak na 14-anyos pababa tumaas noong 2022