BULACAN, Philippines – Arestado ang 15 indibiduwal habang nakakumpiska ng P190,400.00 halaga ng iligal na droga sa magkakahiwalay na buy-bust operation ng pulisya nitong Mayo 4 at 5 sa lalawigang ito.
Sa ulat ni PLTCOL Reyson Bagain, hepe ng San Jose Del Monte (SJDM) police station, kinilala ang suspek na 48 anyos na babaeng kabilang sa Street Level Individual target.
Ayon sa ulat, isinagawa ng istasyon ang operasyon bandang 8:12 ng gabi nitong Mayo 4 sa Brgy. Sta. Cruz 4.
Nabatid na matapos mabentahan ng target ng hinihinalang shabu ang poseur buyer kapalit ng marked money ay agad itong inaresto ng mga pulis sa lugar.
Sa body search, nakumpiska sa suspek ang marked money at tatlong karagdagang plastic sachet ng hinihinalang shabu na may timbang ng limang gramo at aabot sa halagang P34,000.00.
Samantala, sa ulat ng Meycauayan, Malolos, Pandi, Plaridel, Norzagaray, Hagonoy, San Miguel at Paombong police station, nagsagawa sila ng kaparehong operasyon na nakahuli ng nasa 14 drug pushers at may nasamsam ng 23 gramo na may halagang P156,400.00 at buy-bust money.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa mga istasyong humuli sa kanila. (Dick Mirasol III)