TINGNAN: Humarap sa NBI ang 16 sa 18 umano’y dating Marines na nagpakilalang “bagmen” ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, upang tumalima sa subpoena kaugnay ng kontrobersyal na alegasyon ng kickbacks sa flood control projects. | Cesar Morales
MANILA, Philippines – Humaharap sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Huwebes ang 16 sa 18 umano’y dating Marines na nagsabing sila ay nagsilbing “bagmen” ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.
Dumating ang grupo sa tanggapan ng NBI bandang 9:40 ng umaga, kasama ang kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod, upang tumalima sa subpoena na ipinadala sa kanila.
Hindi pa ipinaliliwanag ni Baligod kung bakit hindi nakadalo ang dalawa pang umano’y dating Marines.
Nauna nang naglabas ng subpoena ang NBI sa humigit-kumulang 25 indibidwal, kabilang ang 18 umano’y dating Marines, kaugnay ng press conference noong Pebrero 24 kung saan ipinakilala ni Baligod ang mga ito.
Sa naturang press conference, iginiit ng grupo na nagsilbi silang “bagmen” ni Co at naghatid ng P805 bilyong umano’y kickback mula sa mga kuwestiyonableng flood control projects.
Ipinahayag din ni Baligod na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. umano ang utak ng naturang scheme at sinabi niyang ipinamahagi ang pondo sa ilang personalidad kabilang sina dating House Speaker Martin Romualdez at Co.
Nauna namang itinanggi ng Malacañang ang mga alegasyon. Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, isa lamang itong “lousy script” at “not award-worthy,” at bahagi ng smear campaign laban sa pangulo. Dave Baluyot