MANILA, Philippines- Sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y love scam hub sa Makati City na gumagamit ng artificial intelligence (AI) upang akitin ang mga hindi inaasahang biktima mula sa Europa at Middle East.
Nasa 167 Pilipino at dalawang Chinese citizens naman ang naaresto sa operasyon kung saan sila naaktuhang nagsasagawa ng scamming operations.
Nadiskubre ng mga awtoridad ang scripts sa desktops at mobile phones na automated para sa pagsagot ng mensahe sa mga biktima gayundin ang mga hindi rehistradong SIM para sa mobile phone.
Sinabi ni NBI National Capital Region director Ferdinand Lavin na tinitingnan nila ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek dahil sa paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act at Cybercrime Prevention Act.
Isa sa Pilipinong suspek ang nagbahagi na ang kanilang grupo at halos tatlong taon nang nag-ooperate at ang bilang ng target nilang biktima kada araw ay tatlong dayuhan.
Nagbabala ang NBI sa mga manggagawang Pinoy sa mga scam hub na hindi sila dapat maakit sa perang maaari nilang kitain dahil makakasama lamang ito sa kanila sa katagalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden