TARLAC — Nasawi ang isang 17-anyos na binatilyo matapos umano siyang bugbugin at pagsasaksakin ng apat na lalaki sa isang liblib na lugar sa Barangay Lawy, Capas.
Ayon sa pulisya, posibleng nag-ugat ang krimen sa pagkairita ng mga suspek sa maingay umanong tambutso ng motorsiklo ng biktima.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagtungo ang biktima at kanyang kasama sa kanilang itikan nang lapitan sila ng mga suspek.
Nakatakas at nakapagtago ang saksi, ngunit naiwan ang biktima. Hinalughog din umano ng mga suspek ang kanilang barracks.
Naaresto kalaunan ang apat na suspek. Tatlo sa kanila ang menor de edad, isang 14-anyos at dalawang 17-anyos, habang 18-anyos ang isa.
Isinailalim sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang tatlong menor de edad. Kinasuhan naman ang 18-anyos na suspek.
Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente at hinihintay ang panig ng mga sangkot. Mary Anne Sapico