MANILA, Philippines – HINDI aabandonahin ng gobyerno ng Pilipinas ang 17 overseas Filipino workers (OFWs) na nakaditene sa Qatar matapos magpartisipa sa hindi awtorisadong rally na sumusuporta kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa katunayan, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na agad na tinugunan ng Philippine Embassy sa Doha ang situwasyon nang kaagad na pumutok ang balita ng insidente.
“Ang ating embahada ay tumulong kaagad. Nagpadala po ng Labor Attaché, isa rin pong lawyer, para ipaglaban ang kanilang mga karapatan,” ang sinabi ni Castro.
“Maliban po diyan, kung ano pa po ang maari natin ibigay na tulong, mga care packages, sa abot kaya ng ating pamahalaan ibibigay po natin yan sa ating mga kababayan sa nasabing bansa,” aniya pa rin.
Tiniyak naman ni Castro sa publiko na ang gobyerno ng Pilipinas ay nananatiling committed na tulungan ang lahat ng mga Filipino, maging anuman ang kanilang politikal na paniniwala o affiliations.
“Obligasyon pa rin po ng ating pamahalaan, ng ating administrasyon ang mga Pilipino, ano man po ang kulay nila,” ang sinabi pa nito.
“Wala po tayong sini-sino, wala tayong discrimination patungkol diyan. Basta kapwa Pilipino, tutulungan po ‘yan ng administrasyon,” aniya pa rin.
Sa ulat, nakakulong ngayon sa himpilan ng pulisya ang 17 Pinoy na nagdaos ng political rally sa Qatar bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng kaarawan ni Duterte.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega, ang 17 Filipino ay nakapiit sa isang police station sa Qatar, isang oras ang layo mula sa Doha na siyang capital ng nasabing bansa.
Ayon kay de Vega, nag-rally ang naturang mga Pinoy noong Marso 28 bilang pagtutol umano sa ginawang pag-aresto kay Duterte na siya rin nagdiriwang ng kanyang kaarawan ng nasabing araw.
Sinabi naman ng opisyal na lahat ng political rally o anumang illegal na pagtitipon ay ipinagbabawal sa Qatar, sa kabila nito sinabi ni de Vega na mayroong mga abogado ang Philippine embassy sa nasabing bansa.
“Karapatan po nila ‘yon. Hindi po natin pipigilan,” ang tugon ni Castro nang hingan ng komento sa pagra-rally ng 17 OFWs sa Qatar. Kris Jose