Home NATIONWIDE Implementasyon ng AKAP mahirap ipatigil – Malakanyang

Implementasyon ng AKAP mahirap ipatigil – Malakanyang

MANILA, Philippines – INAMIN ng Malakanyang na mahirap para sa pamahalaan na ihinto ang distribusyon ng tulong sa ilalim ng kontrobersiyal na Ayuda Para sa Kapos ang Kita (AKAP) program.

Ito’y sa gitna ng alalahanin na may ilang incumbent officials na pawang mga kandidato para sa 2025 midterm polls — ang di umano’y ginagamit na kasangkapan ang programa para makapang-impluwensya ng mga botante.

“Mahirap po kasing ihinto ang pagbibigay ng ayuda sa taumbayan. Umaasa rin po sila diyan, katulad nga po nito, sabi po sa survey ay diumanong tumataas ang hunger rate, kahit marami na po tayong programa ng ayuda. Kaya sabi nga po natin, titingnan natin kung saan nanggagaling ito,” ayon kay Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Tinanong kasi si Castro kung makakaya ba ng gobyerno na ihinto muna ang implementasyon ng AKAP bago ang midterm polls.

“Hindi po ito mapapahinto agad-agad ng administrasyon at mas marami po sigurong mga kababayan natin ang mag-aalma lalo na kung nasanay na po silang kumuha ng ganitong ayuda para po ipangtawid sa pang-araw-araw nilang pangangailangan,” aniya pa rin.

Sa ulat, ipinagbabawal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang presensya ng mga pulitiko at anumang materyales na nauugnay sa kanila sa pamamahagi ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

“During the offsite implementation of the program, the DSWD will strictly prohibit: the display or distribution of posters, banners, or any materials that link any politicians to the AKAP as well as the presence of any politicians during the conduct of actual distribution of financial assistance under the AKAP.”

Ang DSWD, Department of Labor and Employment (DOLE) at National Economic and Development Authority (NEDA) ay nagsumite na ng Joint Memorandum Circular No. 2025-01 o ang implementing rules sa AKAP program sa Commission on Elections (Comelec) noong Martes.

Samantala, sinabi naman ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia na pinag-aaralan ng law department ng poll body ang guidelines bago gumawa ng mga rekomendasyon para sa pagpapatupad nito. Kris Jose