Home NATIONWIDE Top survey contender na si Isko, hirap pantayan ng kalaban-OCTA

Top survey contender na si Isko, hirap pantayan ng kalaban-OCTA

MANILA, Philippines – Hindi pa rin mapapantayan ang survey kay dating Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na nangunguna ngayon sa pinakahuling OCTA Research survey kahit pa pagsamahin ang nakuha ng kanyang mga katungggali sa pagka-alkalde sa darating na halalan sa Mayo 12.

Base sa survey mula Marso 2-6, pumangalawa lamang si Sam Versoza na may 16% at nasa pangatlong pwesto si Mayor Honey Lacuna na mayroon lamang 15%–na kapag pinagsama ay hindi pa rin mapapantayan kahit ang kalahati lamang ng 67% voter percentage ni Domagoso.

“‘Pag pinagsama mo yung dalawang numero ni Mr. Versoza at ni Mayor Lacuna, ay hindi pa aabot doon sa numbers ng top survey contender na si Mayor Isko Moreno,” sabi ni Prof. Ranjit Rye ng OCTA Research.

Sa kabila ng kalamangan ni Lacuna na siyang incumbent mayor ng lungsod, siya ay nahaharap pa rin sa isang mahirap na labanan matapos lumanding sa ikatlong pwesto sa OCTA Research survey, na malayo sa kanyang katunggali na nagbabalik alkalde sa Maynila.

“Siya ‘yung incumbent. Ang inaasahan ng lahat ay siya ang mangunguna. Alam naman natin na naglabasan ang maraming resources ng City Hall, pati na rin ‘yung access sa AICS, TUPAD at iba pa. Na-distribute na rin, so we were expecting na she would be in a much higher percentage sa nakikita natin ngayon,” sabi ni Prof. Rye.

“Uphill talaga, kailangan magsipag pa ‘yung dalawang kasama niya sa survey para makahabol, lalo na ang ating incumbent Mayor. Kailangan ng todo-sipag pa. May 45 days pa,” diin pa nito.

Sa kanyang proclamation rally, ipinagkibit-balikat ni Domagoso ang mga pag-atake ng kanyang mga kalaban at sinabing kumpiyansa siyang hahatulan ng mga botante ng Maynila nang patas ang kanyang pamana lalo na ang mga nakasaksi sa kanyang pamumuno sa panahon ng pandemya.

Nangako rin ang dating alkalde na muling bubuhayin ang healthcare services, housing projects at social welfare programs na sinasabi ng mga Manileno na napabayaan, ibalik ang kalinisan, disiplina at kaayusan sa kabisera ng bansa.

Si Domagoso ay kilala sa kanyang hands-on na istilo ng pamumuno at mabilis na imprastraktura at social welfare programs noong nakaraang termino. Jocelyn Domenden-Tabangcura