MANILA, Philippines – NAKATAKDANG mag-deploy ang Pilipinas ng emergency team para tumulong sa nagpapatuloy na disaster response efforts sa Myanmar kasunod ng pagtama ng malakas na lindol kamakailan.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang team na ipadadala sa quake-hit areas ay binubuo ng 114 tauhan mula sa Department of Health, Bureau of Fire Protection, Armed Forces of the Philippines, at Metro Manila Development Authority.
Ang kanilang tentative deployment day ay araw ng Martes, Abril 1.
Sa ulat, tumama ang napakalakas na lindol sa central Myanmar nitong Biyernes.
Ang pagyanig ng lupa, umabot hanggang sa Thailand na nagpaguho sa isang ginagawang 30-storey building sa Bangkok.
Ayon sa United States Geological Survey (USGS), may lakas na 7.7 magnitude at lalim na 10 km (6.2 miles) ang naganap na lindol.
Ang sentro ng lindol ay nasa 17.2 km mula sa lungsod ng Mandalay, Myanmar na may populasyon na 1.5 milyon.
“We have started the search and going around Yangon to check for casualties and damage. So far, we have no information yet,” ayon sa Myanmar Fire Services Department na nakuha ng Reuters.
Sa social media posts mula sa Mandalay, makikita ang mga gumuhong gusali pero hindi pa ito kaagad maberipika ng Reuters.
Samantala, sinabi naman ni Castro na ang interagency meeting ay isinagawa para gamitin ang government resources para tulungan ang mga naapektuhan ng lindol.
Tinuran pa nito na ang Pangulo ay naka-monitor sa situwasyon partikular na sa mga filipino na apaektado ng malakas na lindol.
“Iyan po ay ipinag-utos ng ating Pangulo sa ating mga concerned agencies na agarang tumulong sa ating mga kapitbahay na bansa,” ang sinabi pa ni Castro. Kris Jose