Home NATIONWIDE 170 nasunugang pamilya inayudahan ng Las Pinas LGU

170 nasunugang pamilya inayudahan ng Las Pinas LGU

MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Las Piñas City Vice-Mayor April Aguilar ang pamamahagi ng lokal na pamahalaan ng ayuda sa 170 pamilya na naging biktima ng sunog na tumupok sa kanilang mga kabahayan Martes ng hapon, Marso 5.

Personal na binisita ni Aguilar ang Elias Aldana covered court kung saan pansamantalang nanunuluyan ang 648 na indibidwal sa kanilang mga modular tents na ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan na naging biktima ng sunog upang masiguro na nasa maayos silang kalagayan at mapagkalooban pa ng kanilang mga pangangailangang tulong.

Sinabi ni Aguilar na ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng emergency services at community support sa mga pamilyang nasunugan.

Ayon pa kay Aguilar, ang huling insidente ng sunog ay nagpapatunay na kinakailangan nang paigtingin ang fire safety awareness at community preparedness sa lungsod upang mapigilan ang mga susunod pang insidente ng sunog lalo na ngayon buwan ng Fire Prevention Month.

Base sa report ng Las Pinas Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa residential area ng Kurba sa Barangay Elias Aldana, Las Piñas dakong ala 1:23 ng hapon kung saan umabot sa 150 kabahayan na gawa lamang sa light materials ang mabilis na nilamon ng apoy.

Tatlong residente sa lugar na kinabibilangan nina Wenceslao Tolentino, 26; Norlita Tegero, 55; at Jonniel Moya, 24, ang naiulat na nasugatan na nagtamo ng mga first degree burns.

Sinabi ng BFP na 21 fire trucks ang rumesponde sa insidente ng sunog na naideklara ang fire out ng alas 3:22 ng hapon.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang pinagmulan ng apoy gayundin ang halaga ng napinsalang ari-arian na tinupok ng sunog. (James I. Catapusan)