MANILA, Philippines – Sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian noong Lunes (Marso 30) na mahigit 250,000 public utility vehicle (PUV) drivers ang nakatanggap na ng kanilang cash relief assistance (CRA), habang mahigit 170,000 unlisted drivers ang kasalukuyang bini-validate para isama sa mga special payout pagkatapos ng Semana Santa.
“We will be doing a special payout session in Metro Manila after the Holy Week. It will include yung unclaimed because they’re unclaimed. Nasa list sila pero hindi nila nakuha. Isasabay na rin namin yung supplemental list, meaning ito yung mga additional na wala sila sa listahan for whatever reason, so we’re asking different sources to bring them to us,” sabi ni Secretary Gatchalian sa press conference.
Pinangunahan ni Secretary Gatchalian ang joint press conference kasama si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board Member Atty. Greg Pua at Department of Information and Communications Technology (DICT) Supervising Director Atty. Carlo Murcia ng Postal Regulation Division.
Sa press conference, iniharap ni Sec. Gatchalian ang pinakabagong mga numero sa rollout ng cash relief. Nitong Marso 29 (Linggo) ay may kabuuang 256,040 tsuper ang nakatanggap ng P5,000 bawat isa bilang cash aid sa pamamagitan ng DSWD’s Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.
Samantala sa kabuuan, 102,824 ang mga tricycle driver, 86,268 ang service delivery riders, 22,937 ang transport network vehicle service (TNVS) drivers, 22,031 ang traditional at modern public utility jeepney (PUJ) drivers, at 21,980 ang motorcycle o MC taxi riders.
Sa kabuuan, P1.28 bilyon na ang naibigay, malapit na sa P1.5 bilyon na tinatayang pondo para sa unang round ng pagbabayad sa Metro Manila.
Kaugnay nito sa pagtugon sa alalahanin sa mga hindi nakalistang benepisyaryo, nilinaw ng hepe ng DSWD na magkakaroon ng espesyal na payout pagkatapos ng Semana Santa para ma-accommodate ang mga driver na hindi makahingi ng kanilang tulong sa mga nakatakdang payout at ang mga hindi kasama sa mga unang listahan.
Para sa mga tricycle drivers, sinabi ni Secretary Gatchalian na lahat ng 17 local government units (LGUs) sa Metro Manila ay kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa kani-kanilang mga tricycle operators and drivers associations (TODAs) para pagsama-samahin ang mga supplemental list, na inaasahang isusumite sa Miyerkules (Abril 1).
“After the payout, we have already given them time na humihingi kami ng dagdag na mga listahan kasi may mga nawawala. Matagal-tagal na panahon yun. Ang sabi namin, suyurin nila, ihabol nila sa amin yung mga nawawalang TODA,” sabi ni Secretary Gatchalian . Santi Celario