MANILA, Philippines – Muling nagtungo sa Department of Justice (DOJ) si dating Senador Antonio Trillanes IV upang maghain ng panibagong reklamo laban sa nagpakilalang 18 ex-Marines.
Ayon kay Trillanes, reklamong cyberlibel ang kanyang inihain kaugnay sa pahayag ng grupo sa kanilang media interview na iniuugnay siya sa umano’y pagtanggap ng pera para sa International Criminal Court (ICC).
Sinabi ni Trillanes na dahil sa paninira ng grupo, kasama ang mga host ng isang news TV station, ay naghain siya ng panibagong reklamo sa DOJ.
Dagdag pa ng dating senador na may lima pang iba na kasama ng mga nagpakilalang ex-Marines ang lumapit sa kanya na nagsabing inalok sila ng pera kapalit ng pagdadamay sa kanyang pangalan at iba pa, ngunit hindi nila ito tinanggap.
Nakatakda rin aniya na bumaliktad ang ilan sa mga lumabas na nagpakilalang dating sundalo at babawiin ang mga binitawan nilang alegasyon hinggil sa opisyal at mga dating pulitiko na tumanggap umano ng pera para sa ICC.
Matatandaang una nang nagsampa ng reklamong perjury at cyberlibel si Trillanes laban sa nagpakilalang mga dating Marines, at iginiit nito na magpapatuloy ang paghahain niya ng mga kaso at reklamo kapag patuloy ang pagkalat ng mga paratang laban sa kanya. Jocelyn Tabangcura-Domenden