MANILA, Philippines — Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, itinutulak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pagpapatupad ng panukalang magpapababa ng oil excise tax, kahit hindi pa ito umaabot sa kanyang tanggapan para lagdaan.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, handa ang Pangulo na ipatupad agad ang hakbang sa sandaling matanggap niya ang panukala. “The mere fact [is] that the President wants it to be enforced immediately.”
“The only reason that he could not do it is because the bill has not reached the President as of now so there is no reason for him to sign,” dagdag niya, at sinabi ring agad maglalabas ng kautusan ang Pangulo upang bawasan o suspindihin ang excise tax matapos itong malagdaan.
Naipasa na ng Kongreso ang panukala at itinuring itong urgent upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East. Gayunman, inamin ng Pangulo na wala pa siyang tiyak na halaga kung gaano kalaki ang ibabawas at kung kailan niya ito lalagdaan.
Ipinaliwanag din ni Castro na may mga probisyon na nangangailangan na lumagpas sa $80 kada bariles ang presyo ng langis sa loob ng 30 araw bago ito maipatupad. “Iba po yung pipirmahan niya agad dahil gusto niya ang batas na ito at iba ang hindi niya maaaring i-implement.”
Mula huling bahagi ng Pebrero, nakapagtala na ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa, na ngayo’y nasa pagitan ng P80 hanggang P100 kada litro, kasunod ng pagkagambala sa suplay sa Strait of Hormuz.
Bilang tugon, nagsimula na ang pamahalaan sa pamamahagi ng P5,000 ayuda sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan, at inaasahang susundan pa ito ng karagdagang tranche. “In the coming days, the Department of Social Welfare and Development will release cash assistance to affected public utility drivers and this will be done in tranches,” ani Castro.
Dagdag pa niya, patuloy na tinututukan ng administrasyon ang epekto ng krisis. “‘Yung impact ng sigalot sa Middle East, yan po ang tinututukan ng Pangulo para ma-soften sa atin yung impact.”
Para naman sa mga commuter at middle class na umaasa sa pribadong sasakyan, nag-aalok ang gobyerno ng diskwento sa pamasahe sa tren at libreng sakay bilang pansamantalang tulong. RNT