SULTAN KUDARAT, Philippines – Nasawi noong gabi ng Marso 21 ang isang sperm whale na napadpad sa Poral Beach sa Sultan Kudarat, ayon sa kumpirmasyon ng Kalamansig LGU.
Ayon sa imbestigasyon, alas-6 ng umaga nang mapadpad ang nanghihinang balyena sa pampublikong dalampasigan.
Ilan sa mga tao ang sumakay at naglaro sa hayop, habang limang lalaki ang nagtangkang itulak ito pabalik sa malalim na tubig. Nagkagulo umano nang palibutan ng mga bangka ang balyena.
Bandang alas-6 ng gabi, tuluyan itong namatay. Hindi na isinailalim sa autopsy ang balyena at ipinalaot na lamang pabalik sa dagat kinabukasan upang doon mag-decompose.
Ayon kay Mayor Ronan Garcia, tinutunton na ang mga taong sumakay sa balyena at pinag-aaralan kung kakasuhan sila ng paglabag sa Animal Welfare Act at Wildlife Resources Conservation and Protection Act. RNT/MND