MANILA, Philippines – Nag-alok ang Embahada ng Republika ng South Korea ng 18 slots para sa mga Pilipinong aplikante sa ilalim ng 2025 Global Korea Scholarship (GKS) program, na naglalayong bigyan ng oportunidad ang mga dayuhang estudyante na makapag-aral sa mga unibersidad sa Korea.
Mula Pebrero 5 hanggang Marso 1, tatanggap ang Korean Embassy ng mga aplikasyon para sa graduate degree programs sa ilalim ng embassy track. Saklaw ng scholarship ang isang taon ng Korean language training, dalawang taon para sa Master’s degree, tatlong taon para sa Doctoral program, o anim na buwan hanggang isang taon para sa research studies.
Kasama sa mga benepisyo ng programa ang pagbabayad ng tuition fee, Korean language training fee, round-trip airfare, at buwanang allowance. Kailangang magsumite ang mga aplikante ng orihinal na dokumento, kabilang ang sealed recommendation letter at opisyal na sertipiko ng pagtatapos ng bachelor’s degree, pati na rin ang tatlong photocopied sets.
Ang mga magtatapos sa kolehiyo bago o sa Hulyo 31, 2025, ay maaaring magsumite ng certificate of expected graduation bilang kapalit ng graduation certificate.
Dapat naka-print sa A4 paper ang mga dokumento, at hindi dapat lumagpas sa 1,000 words ang personal statement at study plan.
Ang aplikasyon ay dapat may label na “GKS Application” kasama ang pangalan ng aplikante at maaaring ipadala sa pamamagitan ng courier o direktang ipasa sa Korean Embassy.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang website ng Korean Embassy. RNT