MANILA, Philippines – Nasamsam ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PDEG) ang P50.35 milyong halaga ng iligal na droga noong Enero 2025, ayon kay PDEG acting chief Col. Rolando Cuya.
Kabilang sa mga nakumpiskang droga ang 6.04 kilo ng shabu, 530 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana, 45,800 fully grown marijuana plants, 150 marijuana seedlings, at 40 milliliters ng marijuana oil.
Nagsagawa ang PDEG ng 68 anti-drug operations, kabilang ang 40 buy-bust operations, na nagresulta sa pag-aresto ng 87 drug suspects at 22 wanted na indibidwal.
Pinuri ni Col. Cuya ang special operations units sa kanilang dedikasyon at binigyang-diin ang tagumpay ng PNP sa pagpigil sa iligal na droga at pagdakip sa mga lumalabag sa batas. Ayon sa kanya, malaki ang kontribusyon ng mga operasyong ito sa pagpapanatili ng isang ligtas at drug-free na lipunan. (Santi Celario)