MANILA, Philippines- Nasa mahigit 1,000 pulis ang ipakakalat ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa Manila North Cemetery (MNC) at South Cemetry sa Undas 2024.
Ayon kay MPD Director P/Brig. General Arnold Thomas Ibay, ito ay upang masiguro na walang magiging problema sa buong lungsod lalo na ang mga magtutungo sa sementeryo.
Ang mga nasabing pulis ay hindi lamang tututok sa mga pampubliko at pribadong sementeryo kundi sa chekcpoints.
Ipakakalat din sila sa mga istasyon ng pampublikong transportasyon, mga pasyalan, malls at iba pang matataong lugar.
Dagdag pa ni Ibay, nakabantay ang mga pulis mula sa araw ng paglilinis hanggang sa pagtatapos ng Undas sa nabanggit na mga sementeryo.
Inaasahan kasi ng opisyal na milyon-milyong indibidwal ang magtutungo sa mga sementeryo sa Maynila lalo na sa MNC na ang iba ay mula pa sa kalapit na lungsod at probinsya. Jocelyn Tabangcura-Domenden