Home NATIONWIDE Prayoridad na mapabilang mga benepisyaryo ng 4Ps sa SLP nilinaw ng DSWD

Prayoridad na mapabilang mga benepisyaryo ng 4Ps sa SLP nilinaw ng DSWD

MANILA, Philippines- Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tinitignan ng ahensya ang pangkabuuang sitwasyon ng bawat benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) upang matukoy at mabigyan ito ng tamang tulong at serbisyo.

Sa ginanap na ika-anim na episode ng ‘4Ps Fastbreak’ nitong Miyerkules (October 16), sinabi ni 4Ps Social Marketing Division Chief (DC) Marie Grace Ponce, “kasama doon sa holistic approach na ginagawa ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay ang pagtingin din na mabigyan ng livelihood yung ating mga beneficiaries.”

Ang ‘4Ps Fastbreak’ ay matutunghayan sa FB Page ng DSWD at mapapanood tuwing Miyerkules, alas-11 ng umaga.

Kaugnay nito, sinabi ni SMD Chief Ponce, ang 4Ps households na karapat-dapat na maging benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD ay inaalalayan na mabigyan ng tulong pangkabuhayan na aagapay upang makaahon sa buhay.

“Hindi lamang puhunan, meron din tayong skills enhancement at meron din yung mina-match natin sila sa mga available na trabaho doon sa kani-kanilang lugar,” dagdag pa ng SMD chief.

Sinabi ng DSWD na ang mga serbisyong ibinibigay ng SLP ay mayroong dalawang tracks, ito ang Micro-Enterprise Development (MD) na naglalayong bigyan ng tulong ang mga indibidwal na interesado sa pagiging entrepreneur at ang ikalawang track naman ay naglalayong mabigyan ng trabaho ang nangangailangan sa pamamagitan ng Employment Facilitation (EF).

“Katuwang natin sa pagbibigay ng oportunidad ay hindi lang ang SLP ng DSWD, kundi ang TESDA [Technical Education and Skills Development Authority] at DOLE [Department of Labor and Employment],” sabi pa ni SMD Chief Ponce.

Dagdag pa ng opisyal, mayroon nang kasunduan ang DSWD sa ibang mga government agency na magbibigay ng sapat na technical education and skills development sa 4Ps beneficiaries.

Sabi pa nito, mula Enero hanggang Setyembre 2024, mayroon nang mahigit sa 35,000 4Ps beneficiaries ang nabiyayaan ng tulong mula sa SLP.

Inilunsad ng taong 2008 at naisabatas batay sa Republic Act No. 11310 noong 2019, ang 4Ps ay isang national poverty reduction strategy and human capital investment program na nagbibigay ng conditional cash transfer sa loob ng pitong taon sa mga mahihirap na Pilipino upang mapagbuti at mabigyan ng edukasyon, mapanatili ang kalusugan ng kanilang mga anak. Santi Celario