Home OPINION 1M, 44K PATAY MALULUTAS NA BA?

1M, 44K PATAY MALULUTAS NA BA?

SIMULA noong 2014 hanggang ngayon, may kabuuan na umanong 1 milyong namatay sa giyerang Russia at Ukraine, kasama ang mga dayuhang nasasangkot sa giyera at mga inosenteng sibilyan.

Sa giyerang Israel-Hamas lamang sa Gaza, pwera ang Lebanon, halos 44,000 na rin ang patay, kasama ang 70 porsyentong babae at bata.

Sa pagbabalik ng pamahalaan ni Pangulong Donald Trump bilang pinuno ng United States, may mga umaasa sa Russia, Ukraine at iba pang bansa sa Europa na maaaring matigil ang giyerang Russia-Ukraine.

Gayundin ang Israel-Hamas war, at kasama ang Israel-Hezbollah war sa Lebanon.

Ngunit magaganap kaya ang mga ito?

EPEKTO SA PINAS

Pinag-uusapan natin ito, mga Bro, dahil apektado ang Pilipinas ng mga giyerang ito.

Kabilang sa mga epekto ang direktang panganib ng digmaang Israel-Hamas at Israel-Lebanon gaya ng pagkamatay ng apat na Pinoy sa giyerang Israel-Hamas.

May namatay ring 4 na Pinoy seamen sa mga barkong inatake ng mga Houthie sa Red Sea kaugnay ng pagkampi ng mga Houthi sa Hamas at Hezbollah laban sa Israel.

Mahigit 500 overseas Filipino worker mula sa Israel at 830 mula sa Lebanon naman ang nagbakwit na makaraang mawalan ng trabaho o dahil sa takot na mamatay o masugatan sa araw-araw na pambobomba ng Israel sa Gaza at Lebanon.

Ang pag-uwi ng mga OFW ay direkta ring nakasasama sa kanilang mga pamilya at may kagipitan ngayon sa pananalapi ang kani-kanilang mga pamilya.

Bilang epekto naman ng giyerang Russia at Ukraine, nagmahal nang todo ang presyo ng langis, arina at feeds dahil kabilang sa mga pinakamalaking suplayer ng langis sa mundo ang Russia at pareho ang Russia at Ukraine na malaking suplayer din ng arina at feeds sa mundo.

Nagkagipitan ang suplay ng langis, arina at feeds sa nasabing giyera at isang malaking dahilan ito ng pagmamahal ng petrolyo, arina at feeds at pagmamahal na rin ng mga karneng manok, baboy at iba pa.

SI TRUMP AT MGA GIYERA

Marami nga ang umaasa kay Trump na titigil o huhupa ang mga digmaan dahil isa sa mga pangako nito sa kanyang kampanya sa halalan para manalo.

Gayunman, tila hindi basta umuurong sa giyera ang Russia at Ukraine sa isa’t isa.

Kinondena naman nang buong Arab League sa pamumuno ng Saudi Arabia, sa unang pagkakataon, ang Israel sa paggawa ng genocide o maramihang walang habas na pagpatay sa mga Palestino sa Gaza at gusto nilang sibakin ang Israel bilang miyembro ng United Nations.

Lumapit naman relasyon ng Saudi Arabia at Arab League sa Iran na kalaban ng Israel at maaaring makasasama ang relasyong US at Arab League ang bagong kalagayang ito at may pangambang sasali sa digmaan ang ilang bansang Arabo laban sa Israel.

Kaya, walang nakatitiyak ang magaganap sa giyerang Russia-Ukraine at Hamas/Hezbollah-Israel…kung huhupa o lalong lalala.

Ano-ano kaya ang mga paghahanda at posibleng gawin ng pamahalaan ngayon sa mga nasabing kaganapan sa ibang bansa na nakaaapekto hindi lang sa mga OFW kundi maging sa ating buong bansa?