Home METRO 2 anak binenta ng maglive-in na durugista

2 anak binenta ng maglive-in na durugista

CEBU CITY- KULUNGAN ang kinasadlakan ng mag-live-in partner matapos arestuhin ng mga awtoridad makaraan ibenta ang kanilang dalawang anak para lamang may pambili umano ng iligal na droga, iniulat kahapon sa Lapu-Lapu City.

Sa pinagsamang operasyon ng Cebu City Social Welfare and Services (CSWS), Mambaling Police Station 11, nadakip ang mag-live in partner sa kanilang bahay sa Brgy. Duljo Fatima, ng nasabing lungsod.

Ayon kay Catalina Abella, ng Gender and Development (GAD-CSWS), noong Marso 7, 2025 naalarma ang kanilang tanggapan hinggil sa pagbebenta ng bagong panganak na sanggol sa nabanggit na lugar.

Agad na tinunton ang bahay ng mga suspek at naabutan nila ang mga ito kasama ang 7 pang mga anak.

Sa pag-imbestiga, inamin ng ginang na ibinenta niya ang kanyang 22-araw na sanggol sa isang nurse na ang asawa ay isang sundalo sa halagang P30,000.

Tinungo ang bahay ng nurse at nabawi ang sanggol na ngayon ay nasa pangangalaga ng DSWD pati ang kanilang 6 na anak.

Sa himpilan ng pulisya, inamin naman ng mag-live in partner ang pagbebenta sa kanilang mga anak dahil sa kahirapan at hindi na rin nila masustentuhan ang kanilang bisyo sa paggamit ng shabu.

Inihanda na ang mga kasong isasampa laban sa mag-live in partner./Mary Anne Sapico