Home METRO 2 arestado sa ikinandadong recruitment firm

2 arestado sa ikinandadong recruitment firm

MANILA, Philippines- Inaresto ng Department of Migrant Workers (DMW) at Mandaluyong City Police Station nitong Biyernes ang dalawang hinihinalang illegal recruiter sa isang entrapment operation na humantong sa pagsasara ng kanilang recruitment firm.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Mariza Montecillo at Alily Orate, kapwa nagtatrabaho sa Thrifty International Travel and Tours Inc. na matatagpuan sa Pioneer Street, Mandaluyong City. Nag-aalok ang travel agency ng mga trabaho sa Japan at Italy sa mga kliyente nito nang walang kinakailangang lisensya mula sa gobyerno.

Pinangunahan ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, kasama ang Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) ng DMW, sa pakikipag-ugnayan sa Mandaluyong Police, ang pagsasara ng travel agency at inulit ang babala nito sa publiko na makipag-ugnayan lamang sa mga lisensyadong recruitment agencies.

Ang surveillance operations na isinagawa ng DMW-MWPB ay nagsiwalat na si Thrifty ay nag-alok ng mga trabaho bilang hotel workers sa Japan at Italy na may P300,000 hanggang P500,000 processing fees at tourist visa. Ang mga aplikante ay pinangakuan ng arawang uweldo na 10,000 Japanese Yen (P3,883).

Nag-ugat ang operasyon sa isang kumpidensyal na ulat na natanggap ng MWPB tungkol sa umano’y illegal recruitment activities ni Thrifty. Kaagad na nagsagawa ng surveillance operation ang mga operatiba ng MWPB noong Hulyo 4, 2024, kung saan isang babae na nagpakilalang “Ms. Ali,” na kalaunan ay kinilala bilang si Orate ay nag-alok ng mga serbisyo sa pagproseso ng visa at pagtatrabaho sa Japan.

Binanggit ni Orate na nag-aalok sila ng dalawang paraan ng trabaho na kinabibilangan ng: 1) pagre-refer sa aplikante sa isang lisensyadong recruitment agency kapalit ng P350,000; at 2) sa pamamagitan ng direktang pag-upa kapalit ng P500,000 na bayad.

Noong Agosto 27, nagsagawa rin ng sariling surveillance operation ang mga operatiba mula sa Mandaluyong City Police na nakakuha ng positibong resulta.

Pagkatapos nito ay inilatag ang isang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at ang kasunod na pagsasara ng Thrifty sa pangunguna ni Secretary Cacdac, sa pakikipag-ugnayan sa Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong at Mandaluyong City Police.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong illegal recruitment sa Mandaluyong City Prosecutors Office. Irerekomenda rin ng DMW sa Securities and Exchange Commission ang pagbawi ng Certificate of Registration ng paksa.

Hinihimok ng DMW ang iba pang mga aplikante na naging biktima ng mga ilegal na aktibidad ng recruitment agency na makipag-ugnayan sa MWPB para sa pagsasampa ng mga kaso.

Maaaring makipag-ugnayan ang MWPB sa pamamagitan ng kanilang Facebook page sa https://www.facebook.com/dmwairtip at sa pamamagitan ng kanilang email sa [email protected]. Jocelyn Tabangcura-Domenden