MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang isang aktibo at dating miyembro ng Philippine Army sa entrapment operation sa pagbebenta ng illegal na armas nitong Biyernes, Enero 24.
Kinilala ni Lt. Juaren Caang, spokesperson ng Cotabato Provincial Police Office, ang mga suspek na sina Pfc Jay Clinton Delgado Paguntalan, 30, aktibong miyembro ng 39th Infantry Battalion ng Philippine Army na nakabase sa Makilala, at Sarif Dasil Mungkas, 35, isang Army deserter.
“We are still corroborating all information and evidence to determine if they belonged to a large syndicate,” saad sa pahayag ni Caang nitong Sabado.
Aniya, pinangunahan ng Military Intelligence Battalion ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa pulisya para sa entrapment na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek sa national highway sa Barangay Lika.
Narekober ng mga awtoridad ang tatlong M16 rifles mula sa mga suspek, kabilang ang P200,000 halaga ng buy-bust money.
Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa mga suspek sa paglabag sa Republic Act 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at gun ban ng Commission on Elections sa ilalim ng Omnibus Election Code. RNT/JGC