Home METRO 2 bangkay ng bebot lumutang sa ilog

2 bangkay ng bebot lumutang sa ilog

Bulacan – Dalawang bangkay ng dalagita ang magkasunod na natagpuang palutang-lutang ng mga residente sa ilog sa bayan ng Calumpit.

Kinilala ang mga kalunos-lunos na biktima na sina Jashane De Jesus, 13 at Krisalyn Kasandra Alpes, 14, kapwa residente ng Brgy. Iba O Este.

Sa report ng Calumpit police station, isang tawag sa telepono ang kanilang natanggap bandang 3:20 ng hapon nitong Abril 6 na nagsabing may bangkay ng babae ang natagpuang lumulutang sa ilog sakop ng naturang lugar.

Dahil dito, agad nilang tinungo ang lugar hanggang sa tumambad sa kanila ang kaawa-awang bangkay ni Jashane.

Bandang 3:45 ng hapon isang tawag din ang natanggap ng istasyon na nagsabing may isa pang babae ang natagpuan sa ilog sakop ng Brgy. Caniogan.

Nang tumulak ang mga pulis sa nasabing ilog ay bumulaga naman sa kanila ang ang nakalutang na bangkay ni Krisalyn.

Nalaman pa sa salaysay ng amain ni Jashane na si Mang Bayani, huli niyang nakita ang dalawa na naglalakad pauwi sa kalsada sakop ng Brgy. Palimbang bandang 6:30 ng gabi nitong Abril 5.

Base sa imbestigasyon ng Bulacan PFU, walang indikasyon na may foul play sa katawan ng mga biktima at kapwa intact ang mga panloob na kasuotan. Dick Mirasol III