Home NATIONWIDE 2 bangkay ng lalaki itinapon sa tubuhan

2 bangkay ng lalaki itinapon sa tubuhan

NEGROS OCCIDENTAL- INAALAM na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang lalaking natagpuan patay sa gitna ng tubuhan na hinihinalang biktima ng summary execution o salvage, iniulat kahapon, Mayo 4, sa lungsod ng La Carlota.

Ayon kay Police Capt. Rosinie Cabuena, deputy chief ng La Carlota City Police Station, umaga ng Linggo Mayo 4, 2025, nadiskubre ng isang trabahador sa tubuhan ang bangkay ng dalawang lalaki sa Hacienda San Roque, Barangay Cubay, ng nasabing lungsod.

Inilarawan ng pulisya ang isa sa mga biktima na hubo’t hubad, nababalutan ng putik ang buong katawan, may tattoo sa kanang balikat at ang mukha ay nakabalot ng masking tape.

Habang binalot naman sa tarpaulin ang bangkay ng pangalawang biktima.

Sinabi ng pulisya, nagsasagawa na sila ng follow-up investigation para alamin kung may mga nawawalang indbidwal sa probinsya para malaman ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Sinabi ni Cabuena na walang naiulat na may nawawala sa naturang lungsod kaya naniniwala itong posibleng sa ibang lugar pinatay ang mga biktima at itinapon lamang ang mga ito sa tubuhan para iligaw ang gagawing pagsisiyasat ng awtoridad. Mary Anne Sapico