Home METRO 2 patay sa tractor truck

2 patay sa tractor truck

NEGROS OCCIDENTAL- PATAY ang dalawang katao sakay ng pick-up truck matapos salpukin ng tractor truck sa Talisay City, iniulat kahapon, Mayo 4.

Dead-on-arrival nang idating sa ospital si Ronjon, na sakay ng pick-up truck at nalagutan naman ng hininga habang ginagamot sa ospital ang driver ng pick-up na si Nilo, 48, kapwa residente ng San Carlos City, Negros Occidental.

Sugatan naman ang truck driver na si Galy, 50, ng Sagay City, Negros Occidental at isang Paul, 42, taga-San Carlos City.

Ayon kay Police Major Rhazl Jim Jocson, deputy chief ng Talisay City Police Station, bandang 6:15 PM naganap ang insidente noong Sabado ng gabi Mayo 3, 2025 sa Hacienda Tibay Lopez, Barangay Efigenio Lizares, ng naturang lungsod.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, tinangkang mag-overtake ng tractor truck sa isang sasakyan hanggang sa sumalpok ito sa pick-up truck na sinasakyan ng mga biktima.

Sa lakas ng pagkakasalpok, nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktima na agad naman dinala sa ospital subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ng hininga si Ronjon habang kinabukasan ng Linggo binawian ng buhay si Nilo.

Naka-hospital arrest naman ang suspek habang hinihintay ang desisyon ng pamilya ng mga biktima kung magsasampa ng kaso laban sa kay Galy. Mary Anne Sapico