QUEZON CITY— Mula sa pagiging frontrunner, umarangkada ngayon si dating Konsehal Allan Benedict Reyes sa Pulso ng Bayan survey.
Ayon sa poll na isinagawa nitong huling linggo ng Abril, nangunguna si dating Konsehal Allan Benedict Reyes sa 49%, habang 45% at pumapangalawa lamang si Rep. Franz Pumaren; 6% naman ang undecided.
Kasabay ng pagbaba ng numero ni Pumaren ay ang graft case na inihain ng Ombudsman kaugnay ng ₱47‑milyong Multi-Purpose building sa Barangay Pansol na hanggang ngayon ay hindi pa rin naisasakatuparan.
Ayon sa reklamo, naaprubahan na ang pondo ngunit mistulang “ghost project” ang gusali—walang pader, bubong, o palatandaan ng konstruksyon. Nauwi lamang ito sa termination bagamat may kaukulang mobilization funds.
May viral na litrato rin ng sinasabing bahay sa White Plains na nakapangalan sa anak ni Pumaren—parehong barangay na tumanggap ng halos ₱100‑milyong pondo para sa isa pang multipurpose building, na hindi pa rin tapos.
Usap‑usapan naman online ang umano’y mansion sa Tagaytay na kaniyang pag‑aari.
Kung magpapatuloy ang ganitong ihip ng hangin, malabong makabawi umano ang kongresista sa natitirang panahon bago ang May elections. RNT