MANILA, Philippines – DALAWANG bangkay ng hindi nakikilalang lalaki na pawang nakabalot ng duct tape ang ulo at walang pang itaas na kasuotan na hinihinalang salvage victim ang mga ito nang matagpuan nitong Biyernes, Marso 28 sa pampublikong sementeryo sa Barangay San Antonio sa lungsod ng San Pedro, Laguna.
Ang mga biktima na pawang nasa edad na 20 at may taas na 5″4, nakasuot ng kulay itim na jogging pants, blue maong pants at kapwa walang suot na pang itaas.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng San Pedro City Police Station, natagpuan ang bangkay ng mga biktima ng isang concern citizen na nakatira malapit sa San Pedro Public Cemetery ng dakong alas-7:45 na mabilis na ipinagbigay alam sa sa himpilan ng pulisya kung saan ang mga biktima ay magkalayo nang matagpuan at kapwa nakabalot ng duct tape ang ulo.
Napag-alaman na bukod sa mga bangkay ng dalawang hindi nakikilalang lalaki ay nakita din na mayroong mga bakas ng dugo kung saan natagpuan ang mga ito, samantalang nagsagawa na ng imbestigasyon ang mga miyembro ng SOCO sa pinangyarihan ng insidente.
Nabatid sa ulat na patuloy naman ang pagsisiyasat ng San Pedro City Police Station upang matukoy ang mga taong responsable sa pagkamatay ng mga biktima at agarang ikadarakip ng mga ito at inaalam din kung itinapon lamang ang mga biktima sa nasabing lugar. Ellen Apostol