MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Malakanyang sa mga kandidato na huwag lumabag sa batas, kasabay ng pagsisimula ng campaign period sa mga lokal na posisyon para sa 2025 elections.
“Unang-una, kasi kayo po iyong magsisilbing leader eh, so dapat kayo po iyong manguna na sumusunod sa batas. So iyon lang po iyong paalala natin,” saad sa pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro.
Nagpaalala rin si Castro sa Philippine National Police (PNP) na manatiling apolitical sa panahon ng campaign period, at sinabing ang kanilang katapatan ay dapat na nasa bansa at sa Konstitusyon.
“Ang PNP kasi dapat it should remain apolitical, so huwag magpapagamit, tama po, huwag magpagamit sa politiko. Huwag magpagamit sa damdamin,” dagdag ni Castro.
Nang tanungin kung hinihikayat ng Palasyo ang house-to-house campaign activities sa kabila ng mainit na temperatura, sinabi ni Castro na wala namang makakapigil sa mga kandidato na gawin ito. RNT/JGC