MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda na tutukan ang internet connectivity, digitalization at cybersecurity.
Ibinahagi ni Palace Press Officer Claire Castro ang balitang ito nang tanungin kung ano ang direktibang ibinigay ng Pangulo sa bagong Department of Information and Communications Technology (DICT) chief.
Ani Castro, talamak ang cyberattack sa bansa.
“Kaya ang unang-una po ang direktiba po ng Pangulo sa bagong appointed na DICT secretary ay unang-una po ang programa po ng administrasyon patungkol po sa digitalization,” sinabi ni Castro.
“Pati po iyong internet connectivity across the country and of course cyber security ang kailangan nating pagtuunan lalong-lalo na po sa ngayong panahon na mayroong pangangampanya at campaign period,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Castro na ang Presidential Communications Office (PCO) ay makikipag-ugnayan sa DICT para maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon.
“Hindi lamang po ang PCO, lahat ng ahensya na may concern patungkol sa mga paglaganap ng fakes new. Lahat po tayo ay magtutulong-tulungan para po masawata o matigil ang fake news na ito,” pahayag ni Castro.
Kamakailan ay sinabi ni DICT Undersecretary Jeff Dy na inaasahan ng ahensya ang mas marami pang cyberattacks lalo na sa papalapit na halalan.
Ibinahagi ni Dy ang mga election-related posts na pinapakalat ng mga bots.
Ang “Bots” o mga internet robots, ay automated computer programs na gumagawa ng paulit-ulit na mga task.
Ipinunto rin ni Dy ang butas sa batas kung saan ang pagpapatakbo ng troll farm ay hindi illegal dahil “there is no social media regulation.” RNT/JGC