MANILA, Philippines – Patay ang dalawang barangay tanod matapos tambangan sa Basilan nitong Sabado, Disyembre 2.
Ayon kay dating Ungkaya Pukan mayor Joel Maturan, ang mga tanod ng Barangay Bohe Suyak ay tinambangan sa Sitio Dekdep kung saan ang mga ito ay patungo sana sa kasal ng kanilang kaanak.
Dagdag pa ni Maturan, ang mga napatay ay may kaugnayan sa bagong halal na kapitan ng Bohe Suyak.
Sinabi naman ni Brigadier General Alvin Luzon, commander ng Army 101st Infantry Brigade, na ang naturang insidente ay hindi isang ambush kundi isang insidente ng pamamaril na nagresulta sa dalawang nasawi.
Ani Luzon, tatlong armadong kalalakihan ang umatake kina Saddam Immuh, 35, at Muhal Palluh, 29, na pawang mga nakasakay ng itim na motorsiklo.
Nagtamo ng kabi-kabilang tama ng bala sa katawan sina Immuh at Palluh na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.
“The victims were going to Barangay Tongbato to attend a wedding celebration of the Mottoh family. According to the statement of Amil Palluh, a witness to the incident, a certain Akbar Asalim together with two unidentified perpetrators fired towards the victims using an M16 rifle,” pahayag ni Luzon.
Pinaniniwalaang ang pamamaril ay may kaugnayan sa hindi pa nareresolbang rido.
Nagkasa na ng imbestigasyon ang pulisya, kasama ang 64th Infantry Battalion. RNT/JGC