MANILA, Philippines – Patay ang isang batang lalaki at batang babae na kapwa pitong taong gulang sa magkahiwalay na insidente ng pagkalunod sa Pampanga at Ilocos Norte.
Ayon sa ulat, nalunod ang batang lalaki nang maligo sa sapa sa Barangay Cangrunaan sa Batac City, Ilocos Norte nitong Sabado, Agosto 24 na hindi pala nagpaalam.
“Tumakas sila papuntang sapa kasi ‘yun mahirap kasi mapakinggan lalo kapag may mga gumagamit roon ng water pump. Nagpuputol ako ng mais sa malapit roon pero ‘di ko na marinig,” pagbabahagi ni Darwin Binala, tiyuhin ng biktima, sa panayam ng GMA News.
Mahigit sa pitong talampakan umano ang lalim ng lugar sa sapa kung saan nalunod ang bata.
Matindi naman ang kalungkutan ng ina ng biktima lalo pa’t nasa ospital din ang mister nito na nagpapagaling sa sakit.
Samantala, patay din ang isang batang babae matapos malunod sa Abacan River sa Angeles City, Pampanga, araw din ng Sabado habang nakaligtas ang kasama nito na 5-anyos. RNT/JGC