Home HOME BANNER STORY 2 bata sa Pampanga nasawi sa suffocation sa loob ng sasakyan –...

2 bata sa Pampanga nasawi sa suffocation sa loob ng sasakyan – autopsy

Photo courtesy of Jim Jim Hipolito

MANILA, Philippines – Lumitaw sa autopsy na ‘suffocation’ ang dahilan ng pagkasawi ng dalawang bata na natagpuan sa loob ng isang sasakyan sa Angeles, Pampanga.

Sa kabila nito, tumanggi ang pamilya ng mga biktima na tanggapin ang resulta ng autopsy.

“’Yung anak ko, yung dugo niya sa kamay, sa damit ta[po]s maraming pasa,” sinabi ng ina ng isa sa mga bata na si Steffany Villegas.

Itinanggi rin ng pamilya ng dalawang bata na sina Darrel at Marvin, ang akusasyon na nagpabaya sila sa kanilang mga anak.

Plano ng pamilya ng humingi ng tulong sa Commission on Human Rights para busisiin ang insidente, kasabay ng paghiling ng isa pang autopsy at paghingi ng kopya ng full CCTV footage ng insidente.

Samantala, napag-alaman sa imbestigasyon na ang sasakyan kung saan natagpuang wala nang buhay ang dalawang bata ay pagmamay-ari ng residenteng si Fermhan Pamintuan na ginagamit para sa ride-hailing app.

Itinanggi niya ang akusasyon na sangkot siya sa pagkamatay ng dalawang bata.

“Nanghihingi po ako ng sorry, ng dispensa. Hindi ko po kayang gawin na pumatay ang isang tao din. Kung ano po kapupuntahan ng nangyaring to, haharap po ako,” ani Pamintuan.

“Wala naman pong may kagustuhan na mangyari yung ganon. Saka sa ibang mga magulang, linangin po nila yung mga anak nila,” dagdag ng kanyang ama na si Norman.

Nitong Biyernes ay natagpuan ang wala nang buhay na katawan ng magpinsan na sina Darrel at Marvin sa loob ng sasakyan sa Barangay Malabanias, Angeles, Pampanga.

Sa CCTV footage, nakita na naglalaro pa sa paligid ng sasakyan ang dalawang bata bandang alas-7 ng umaga at saka lumipat sa kanang bahagi ng sasakyan.

Ayon sa pulisya, posibleng pumasok sa sasakyan ang dalawang bata.

Nadiskubre na lamang ang katawan ng dalawang bata nang hanapin sila ng kanilang mga magulang apat na oras ang nakalipas.

“Pinalaki namin po. Sobrang tagal ng palaki namin tapos ganyan lang mangyayari,” ani Villegas.

“Magugulat ka wala pang isang araw patay na. Wala nang kabuhay-buhay,” dagdag ng ama ng isa sa mga bata na si Justine Balantad.

Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng pagkasawi ng dalawang bata. RNT/JGC

Previous articlePag-atake sa concert hall sa Russia kinondena ni PBBM
Next articlePilipinas ‘di matitinag sa banta ng China sa WPS – task force